MANILA, Philippines – Nagtala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng double-digit na paglago sa koleksiyon ng buwis noong Setyembre 2026, na umabot sa P203.581 bilyon, mas mataas ng P20.056 bilyon o 10.93% kumpara sa kaparehong buwan noong 2025.
Batay sa datos hanggang Oktubre 13, iniugnay ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza ang pagtaas sa boluntaryong pagsunod ng mga nagbabayad ng buwis at mga hakbang ng ahensya upang aktibong tulungan ang mga taxpayer.
Kabilang sa mga nagsagawa ng mga inisyatiba ang Revenue Regions, Large Taxpayers Service, at iba pang support units ng BIR.
“Our taxpayers are doing their part, and our revenuers are doing theirs. By reaching out and helping taxpayers comply correctly and on time, we are showing that good taxpayer service and stronger revenue collections go hand in hand,” ani Mendoza.
Mula Enero hanggang Setyembre 2026, umabot sa P2.465 trilyon ang kabuuang gross collections ng BIR, mas mataas ng P130.372 bilyon o 5.58% kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Itinuro rin ni Mendoza ang mga reporma sa ilalim ng BIR DARES agenda na naglalayong gawing mas madali ang pagsunod sa mga obligasyon sa buwis, kabilang ang paglulunsad ng Taxpayer Portal.
Pinalakas din ang mga repormang ito sa pamamagitan ng BIR CHAT o Counsel, Help, Assist Taxpayers, na nagbibigay ng direktang tulong sa mga negosyo at komunidad sa buong bansa.
“These initiatives support President Ferdinand R. Marcos Jr.’s directive to bring government services closer to the people and Finance Secretary Frederick D. Go’s push for a more business-friendly environment,” ani Mendoza.
Ayon sa BIR chief, magpapatuloy ang mga reporma upang gawing mas madaling ma-access, episyente, at tumutugon sa pangangailangan ng mga taxpayer ang mga serbisyo ng ahensya. RNT/MDS