Home METRO 8 Chinese nat’ls, 10 Pilipinong minero, arestado sa ilegal pagmimina sa Surigao...

8 Chinese nat’ls, 10 Pilipinong minero, arestado sa ilegal pagmimina sa Surigao City

1
0

SURIGAO CITY, Philippines – Arestado noong Miyerkules, Oktubre 14, ang walong Chinese national at 10 Pilipinong minero dahil sa umano’y ilegal na pagmimina sa Barangay Mabini, Surigao City, Surigao del Norte.

Ayon sa Police Regional Office-13 (PRO-13), nagmula sa Hunan, Gansu at Guangzhou sa China ang mga naarestong dayuhan.

Nasamsam sa operasyon ang mga kagamitang nagkakahalaga ng mahigit ₱150 milyon, kabilang ang walong dump truck, limang payloader, 16 excavator, walong generator set, mga sluice mat at makina, 80 kilo ng mineral ore, isang Toyota Hilux pickup truck, mga compressor, langis, diesel, panel board, baterya at mga baril.

Ayon kay Police Lt. Col. Jennifer S. Ometer, hepe ng PRO-13 Public Information Office, nagpapatuloy ang pagkilala sa mga naarestong Chinese national at Pilipinong minero, gayundin ang imbentaryo ng mga nakumpiskang heavy equipment.

Sinabi naman ni PRO-13 Director Police Brig. Gen. Rolindo M. Suguilon na magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek. Nangako rin siya ng mahigpit na kampanya laban sa ilegal na pagmimina at iba pang krimeng naglalagay sa panganib sa kapaligiran at likas na yaman.

Hinimok ni Suguilon ang publiko na iulat sa pulisya ang anumang ilegal na aktibidad upang agad itong maaksyunan.

Noong Abril, siyam na Chinese national din ang naaresto dahil sa umano’y ilegal na pagmimina sa Cantilan, Surigao del Sur. Nasamsam noon ang heavy equipment, mga gamit sa pagmimina at yamang mineral na nagkakahalaga ng ₱50.5 milyon.

Kinasuhan ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995, gayundin sa iba pang naaangkop na batas pangkalikasan at pang-imigrasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here