Home NATIONWIDE Lacson, nagbabala ng mas maraming pagtutuwid sa P7.2T 2027 budget

Lacson, nagbabala ng mas maraming pagtutuwid sa P7.2T 2027 budget

2
0

MANILA, Philippines – Inaasahan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mas maraming mambabatas sa House of Representatives ang magiging emosyonal habang masusing sinusuri ng Senado ang mga kuwestiyonableng pagbabago sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.

Ayon kay Lacson, posibleng ibalik ng Senado ang daan-daang bilyong pisong ibinawas o inilipat sa bersiyon ng Kamara, kabilang ang pondo para sa Foreign-Assisted Projects (FAPs) at mga proyektong pangkontrol sa baha.

“The crying has just begun. Once we make the needed corrections, more crying may be coming soon,” ani Lacson sa panayam sa DZMM nitong Miyerkules ng gabi.

Sinabi niyang nagpapatuloy ang mga pagdinig ng mga komite ng Senado at tutugunan nila ang mga kuwestiyonableng pagbabago sa badyet.

Kinumpirma naman ni Senate Finance Committee Chair Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito na natanggap na ng Senado ang bersiyon ng panukalang badyet mula sa Kamara. Inaasahan niyang magsisimula ang plenary debates sa Nobyembre.

Sa paunang pagsusuri, natukoy ni Ejercito ang humigit-kumulang ₱206 bilyong realignment sa panukalang 2027 budget ng Kamara. Kabilang dito ang mga pagbawas sa ilang programang pangkalusugan at pagtaas ng pondo para sa mga programang medikal na nagbibigay ng tulong sa mga pasyente.

Binawasan ng ₱4.45 bilyon ang Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health (DOH), habang itinaas sa ₱23.9 bilyon ang Medical Assistance Program para sa mga mahihirap na pasyente. Ayon kay Ejercito, nakababahala ang paglipat ng pondo mula sa preventive health care patungo sa curative programs dahil salungat ito sa layunin ng Universal Health Care.

Kabilang din sa mga iniulat na pagbawas ang ₱130 bilyon sa Foreign-Assisted Projects at ₱9.5 bilyon sa Calamity Fund, sa kabila ng banta ng El Niño. Nagdagdag naman ang Kamara ng bagong ₱10-bilyong pondo para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk ng Department of Agriculture.

Sa mga proyektong pang-imprastraktura, nabawasan ng ₱2.6 bilyon ang pondo para sa right-of-way payments. Nakatakda namang tumanggap ng ₱8.04 bilyon ang mga flood mitigation structure, ngunit binawasan ng ₱4.6 bilyon ang mga proyektong nasa pangunahing river basin.

Sinabi ni Ejercito na titiyakin ng Senado na malinaw ang dahilan ng bawat pagbabago at mapupunta ang pondo sa mahahalagang pangangailangan. Ibinabalik din ng Senado ang pagbabawal sa mga lump-sum appropriation na walang sapat na detalye o dokumentasyon.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi dapat galawin ang pondo para sa Foreign-Assisted Projects dahil may mga obligasyon ang Pilipinas sa mga dayuhang katuwang nito.

“Yan ang talagang titigasan namin na di pwedeng galawin yan. Masa-sacrifice yan,” ani Lacson sa panayam sa DZBB nitong Huwebes.

Binalaan din niya ang pamahalaan na maaaring managot sa commitment fees at iba pang gastusin kapag hindi naipatupad ang mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa. Halimbawa niya ang Lakeshore (Laguna) Road Network, isang multi-year project na katuwang ang Japan International Cooperation Agency (JICA).

“We cannot unilaterally say we are not funding the project. We made a commitment to it,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na may mga bahagi rin ng FAPs na nais niyang suriin, ngunit sinusuportahan niya ang dagdag na pondo para sa mga magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Gatchalian, tututukan ng Senado ang pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng imprastraktura at transportasyon, pagprotekta sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa harap ng El Niño, at pagbibigay ng social protection sa gitna ng mataas na inflation na maaaring maapektuhan ng patuloy na sitwasyon sa Iran. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here