Home HOME BANNER STORY DSWD nagsampa ng kaso vs barangay officials na rumaraket ng ayuda sa...

DSWD nagsampa ng kaso vs barangay officials na rumaraket ng ayuda sa AICS

303
0

MANILA, Philippines – Naghain ng reklamong kriminal at administratibo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Office of the Ombudsman laban sa 14 barangay officials sa Iloilo City dahil sa umano’y pagbubulsa ng pera ng pamahalaan na dapat sana ay para sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pagsasampa ng reklamo nitong Huwebes, Disyembre 11 at sinabing hinarass ng mga opisyal ng barangay sa Jaro at Arevalo sub-district sa Iloilo City ang bawat benepisyaryo ng AICS na nakatanggap ng P10,000.

Ang mga benepisyaryo ay sinabihang isuko ang P8,000 hanggang P9,000 ng kanilang ayuda sa mga opisyal ng barangay kapalit ng pagpapanatili sa kanila sa listahan ng government beneficiaries.

“We are talking about payouts in November 7, 11 and 12 in 16 barangays in Iloilo City involving 14 officials whom we are filing a complaint against today. Sila ‘yung supposedly pagkatapos ng payout, pag-uwi ng mga beneficiaries kinoerce nila ‘yung mga benepisyaro na kunin ‘yung porsyento ng payout [ng mga barangay officials]. Ang gagawin nila [na mga barangay officials], sasabihin nila, o sige, ‘pag hindi ka nagbigay, wala ka na matatanggap. Wala ka na matatanggap habang buhay,” pahayag ni Gatchalian.

“May 14 tayong complainants. Sa P10,000 na ibinigay sa kanilang tulong pinansyal, pilit [nilang mga barangay officials] kunin ‘yung P8,000 hanggang P9,000. Very consistent ‘yung stories at ‘yung mga individual, hindi sila magkakakilala dahil galing sila sa labing-anim na barangay at ‘yung kuwento nila pare-parehas,” dagdag ni Gatchalian.

Aniya, ang mga opisyal ay nahaharap sa reklamong grave misconduct, graft, at iba pa. Ang mga sangkot na opisyal ay ang mga kapitan, kagawad, treasurer, at appointed officials ng mga barangay.

“Sa kuwento rin nila, matagal na nangyayari, nu’ng COVID-19 time pa. Pero ngayon, nagkaroon ng massive na complaint kasi dati, ang kinakaltas sa kanila, maliit lang na porsyento. Kung 10,000, mayorya nu’n, naiiwan sa kanila,” sinabi pa ni Gatchalian.

Kabilang din aniya sa mga nabibiktima ng raket na ito ng mga opisyal ng barangay ay ang mga benepisyaryo ng medical assistance at burial assistance.

“Pero ngayon, binaliktad, pinilit kunin ‘yung mas malaking porsyento sa kanila. That’s around P8,000 to P9,000. Ang natitira na lang sa kanila, halos 2,000 or 1,000. Nakakalungkot isipin. Ang tulong ng DSWD, dapat diretso sa bulsa ng mga nangangailangan. Wala dapat nakikialam diyan. Pero nare-victimize ‘yung mga victims,” ani Gatchalian.

Dahil dito ay nanawagan si Gatchalian sa publiko na isumbong ang mga ganitong gawain ng mga abusadong opisyal at sinabing hindi magdadalawang-isip ang DSWD na sampahan ng reklamo ang mga ito.

“Our logo is a big heart, but part of taking care of our people is making sure that they’re protected from these types of abuses. Ang panawagan namin, one, huwag kayo magbigay [ng porsyento sa barangay officials]. At, i-report niyo sa amin, and we will take it seriously,” dagdag ni Gatchalian. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here