MANILA, Philippines — Naka-blue alert status na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Tropical Storm Basyang na inaasahang magla-landfall sa silangang Mindanao pagsapit ng Huwebes ng gabi.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan na ang lahat ng DSWD field offices sa daraanan ng bagyo na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang tiyakin ang kahandaan sa disaster response.
Mahigit 3.5 milyong family food packs (FFPs) ang naka-preposition sa mga bodega ng ahensya sa buong bansa. Sa CARAGA pa lamang ay may higit 186,000 kahon ng FFPs, habang mahigit 77,000 sa Central Visayas at 161,000 sa Eastern Visayas.
Mayroon ding higit 672,000 kahon ng FFPs sa Luzon Disaster Resource Operations Center sa Pasay City at mahigit 317,000 kahon sa Visayas Disaster Resource Operations Center sa Mandaue City.
Bukod dito, may P3.04 bilyon na Quick Response Funds ang DSWD na nakahanda para sa relief at early recovery operations sakaling may tamaan ng bagyo.
Naka-standby na rin ang mga Mobile Command Centers at Mobile Kitchens ng ahensya para sa agarang deployment.
Samantala, kinumpirma ng PAGASA na lumakas na bilang tropical storm si Basyang nitong Miyerkules ng gabi. Ilang LGU na ang nagdeklara ng suspensyon ng klase bilang pag-iingat.
Pinayuhan ng DSWD ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa abiso ng kani-kanilang LGU, lalo na sa posibleng preemptive evacuation. RNT/JGC