MANILA, Philippines — Inilagay sa blue alert status ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasunod ng pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ng Tropical Depression Ada, ang unang bagyong pumasok sa bansa ngayong taon.
Ayon kay DSWD Disaster Response and Management Group Assistant Secretary Irene Dumlao, ang blue alert ay ikalawang antas ng paghahanda na isinasagawa kapag may paparating na bagyo, kung saan pinaiigting ang koordinasyon at pre-emptive response ng ahensya.
Sinabi ni Dumlao na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan na posibleng daanan ni Ada. Naka-preposition na rin ang mahigit 2.7 milyong family food packs sa iba’t ibang rehiyon upang matiyak ang agarang pagresponde sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng sama ng panahon.
Batay sa abiso ng PAGASA, posibleng lumakas at maging tropical storm si Ada sa loob ng susunod na 24 oras habang tinatahak nito ang Bicol Region, Eastern Visayas at ilang bahagi ng Caraga.
Nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa mga port authority at LGUs upang matiyak na may nakahandang pagkain para sa mga locally stranded individuals kung kinakailangan.
Bukod sa food packs, naka-standby na rin ang mga disaster response vehicles, mobile kitchens, mobile water stations at mobile command centers na maaaring agad ideploy sa mga apektadong lugar.
Sa Caraga Region, iniulat ng DSWD-13 na may 166,867 family food packs na nakahanda sa mga bodega nito. Ilang lalawigan sa rehiyon, kabilang ang Surigao del Norte, Dinagat Islands at Surigao del Sur, ay isinailalim na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 dahil sa bagyo.
Nanawagan naman ang DSWD sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at mga awtoridad. RNT/JGC