MANILA, Philippines- Nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit P64.8 milyong tulong sa mga pamilyang apektado ng El Niño phenomenon sa Western Visayas.
Sinabi ng ahensya nitong Martes na namahagi sila ng 37,367 kahon ng family food packs (FFPs) sa Negros Occidental, 33,054 kahon sa Antique, 18,880 sa Iloilo, 10,707 sa Aklan, 1,809 sa Capiz, at 1,000 sa Guimaras.
Inihayag ni DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao na pinaiigting ng DSWD ang operasyon nito alinsunod sa hiling ng local government units.
Halos 367,809 pamilya o 1,360,623 indibidwal ang apektado ng tagtuyot dulot ng El Niño sa Region 6, base sa DSWD.
“We have to double our efforts, as the Department of Agriculture reported that Western Visayas is among the 12 most affected regions by the dry spell. To date, we have prepositioned P11.9 million worth of FFPs in Region 6,” wika ni Dumlao.
Sa kasalukuyan, ang DSWD Western Visayas ay mayroong P96.7 milyong halaga ng relief supplies at standby funds. RNT/SA