MANILA, Philippines – Itinurn-over ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tig-iisang electric vehicle sa bawat 20 asosasyon na binubuo ng persons with disabilities (PWDs) para magbigay sa mga ito ng livelihood opportunities.
Sinabi ng DSWD na sa ilalim ng Persons with Disabilities-Electric Transportation Services (PWD-ETS) project, 20 Sustainable Livelihood Program Associations (SLPA) ang bibigyan ng tig-iisang electric vehicle.
“The DSWD established the PWD-ETS project with the goal of addressing the needs of persons with disabilities when it comes to their livelihood and for them to have a modern transportation project,” pahayag ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.
Ang proyekto ay nagsimula noong 2023, na unang kalahok ang nasa 10 SLPAs bago ito kalaunang palawigin at magsama pa ng 10 asosasyon mula sa Las Piñas, Manila, Caloocan, Pasay, Malabon, Mandaluyong, Pasig, San Juan, Muntinlupa at Quezon City.
Binubuo ang bawat asosasyon ng 115 miyembro, o kabuuang 2,300 PWDs na nakatakdang magbenepisyo sa turnover.
Bukod sa mga sasakyan, ang mga grupo ay binigyan din ng capacity-building activities upang masiguro na mapapangasiwaan ng mga ito ang kanilang livelihood projects. RNT/JGC