Manila, Philippines- Umani ng pambihirang suporta ang party-list ng market vendors na Sulong Mga Batang Quiapo (#29 Batang Quiapo) mula sa mga botante batay sa mga preelection survey ng iba’t ibang survey firms para sa 2025 mid-term elections.
Kung pagbabatayan ang pinakahuling resulta ng OCTA Research Group na isinagawa noong January 25-31, malaki ang pag-asa ng #29 Batang Quiapo na makasungkit ng upuan sa House of Representatives.
Gayundin, pasok ang #29 Batang Quiapo sa mga party-list sa mga posibleng makakuha ng isang congressional seat batay naman sa survey ng Pulse Asia noong January 18-25, 2025 kung saan nakapagrehistro ito ng 1.07 percent voters preference, na mayorya ay mula sa mga botante ng Metro Manila.
Kabilang din ang #29 Batang Quiapo sa mga top contenders mula sa market research company na Tangere sa pinakahuling 2025 Pre-Election Party-List Survey noong February 11-14 kung saan nakapagtala ito ng 1.37 percent voters preference.
Binanggit sa naturang survey na mataas ang nakuhang numero ng #29 Batang Quiapo sa Una at Ikatlong distrito ng Maynila, at ang pagtaas ng numero nito ay maiuugnay dahil sa malakas na suporta ng Batang Quiapo sa mga marginalized sector, partikular sa market vendors.
Kabilang din ang Batang Quiapo sa top 10 party-list mula sa mga kabataan batay sa Centre for Student Initiatives (CSI), isang youth-led national online poll na isinagawa noong January 19-26, 2025 at nakakuha ng mahigit sa 2% na titiyak ng isang upuan sa Kongreso.
“We are very happy that more people are supporting the genuine advocacies of truly marginalized sectors, which is what party-list representation should be all about,” ayon kay Atty. Ruskin Principe, spokesman ng Batang Quiapo at isa sa mga nominado ng grupo.
Ipinagmamalaki ni Principe na walang kaugnayan sa sinomang politiko o political dynasty ang Batang Quiapo, bagkus ang tanging hawak nila ay ang tiwala at suporta ng mga taong naniniwala sa isinusulong nilang adbokasiya. RNT