MANILA, Philippines – NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na isama na sa listahan ng programmed appropriations para sa national budget para sa susunod na taon ang mga priority program ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) para sa 2026.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na hindi na isama ang mga DSWD program sa unprogrammed appropriations para sa susunod na taon para matiyak ang agarang paghahatid ng serbisyo sa mga mahihirap, vulnerable at disadvantaged sectors.
“DSWD programs should no longer [be] in the unprogrammed appropriation next year,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang pulong sa Palasyo ng Malakanyang. “Dapat nandyan na (programmed) para mabilis mapakinabangan,” aniya pa rin.
Napaulat na ang budget ng DSWD ay tinapyasan ng P10.85 billion o 4.79% mula sa P226.67 billion sa 2025 National Expenditure Program (NEP) ay naging P215.82 billion sa General Appropriations Act (GAA).
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang miting kasama ang DSWD para talakayin ang resulta ng ginawang pagrepaso ng ahensiya ng gobyerno sa mga priority projects sa 2025 NEP na hindi nilagyan ng pondo sa 2025 GAA.
Humirit kasi ang DSWD ng P41.8 billion bilang additional funding mula sa unprogrammed appropriations para i-cover ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) grants para sa buwan ng Agosto hanggang Disyembre 2025.
Ang Programmed appropriations ay mayroon ng ‘definite funding sources’ at handa nang ipatupad.
Sa kabilang dako, ang unprogrammed appropriations ay “standby appropriations which authorize additional agency expenditures for priority programs and projects, in excess of the original budget only when revenue collections exceed targets or when additional foreign project loan proceeds are realized.” Kris Jose