Home NATIONWIDE DSWD sa mga lokal na opisyal: Disaster relief ops ‘wag bahiran ng...

DSWD sa mga lokal na opisyal: Disaster relief ops ‘wag bahiran ng politika

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga lokal na opisyal na huwag politikahin ang kanilang relief operations sa gitna ng magkakasunod na tropical cyclones na nanalasa sa maraming bahagi ng bansa.

Sa kabila ng limang cyclones sa loob lamang ng tatlong linggo, sinabi ng DSWD na may sapat silang stockpile ng family food packs para sa mga biktima ng kalamidad.

Binigyang-diin ng DSWD na hindi dapat gamitin ng mga lokal na opisyal na tatakbo sa eleksyon sa susunod na taon ang naturang relief operations.

“Sa mga family food packs, hindi dapat hinahaluan ng ibang materials ang mga DSWD food packs,” ang sinabi ni Asec. Irene Dumlao, tagapagsalita at assistant secretary para sa Disaster Response and Management Group ng DSWD.

Napaulat kasi na may mga sticker na may pangalan at litrato ng mga lokal na opisyal ang nakadikit sa DSWD food packs sa isinagawang relief operations.

“Bawal pangalan at pictures as long as released by DSWD, dapat wala po,” ang winika naman ni DSWD Strategic Communications OIC Lara Duran.

Tinuran ng DSWD na bilang bahagi ng protocol, inilabas nila ang lahat ng ni-request na food packs sa LGUs na apektado ng mga bagyo, at ang LGUs ang namahagi ng mga ito sa mga apektadong pamilya.

Si Dumlao, isang DSWD social worker ay palaging present kapag nagsasagawa na ng pamamahagi ng tulong.

“We have existing guidelines and policies to insulate our programs from political interferences,” ang sinabi ni Dumlao.

Aniya, mayroong libo-libong prepositioned food packs sa ilang rehiyon na maaaring apektado ng bagyong Pepito.

“Sa kasalukuyan, nasa 427,000 food packs ang stockpile. May mga nakarating na Isabela, may papunta na sa Quirino, at may additional food packs na dumating na sa Basco, Batanes,” ani Dumlao.

Samantala, sinabi ng departamento na makakaabot ang food packs sa last-mile communities sa mga rehiyon. Kris Jose