MANILA, Philippines- Matatanggap ng babaeng lumitaw mula sa isang kanal sa Makati City, kinilalang si “Rose”, ang P80,000 halaga ng livelihood assistance sa tranches, ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Martes.
“May kondisyon ito. Hindi ito binibigay ng isang bulto. Katulad dito kay Rose, in tranches siya ibibigay at may supervision at monitoring ng social workers. So, ibig sabihin, binabantayan ng social worker ‘yung progress niya,” pahayag ng opisyal sa Palace press briefing.
“May home visits para macheck kung gumaganda na unti-unti ‘yung buhay ni Rose. Gusto kong i-point out na lahat tinutulungan, hindi special case si Rose,” dagdag niya.
Sinabi ni Gatchalian na binigyan si Rose ng kinakailangang tulong, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mabibigyan ang families and individuals in street situations (FISS) ng kaukulang interbensyon at tulong.
Nauna nang sinabi ng DSWD na nangongolekta ng basura si Rose at sumuot lamang sa kanal upang kunin ang maliit na blade cutter na ginagamit niya sa pamamasura.
Kumikita si Rose ng nasa P300 kada araw, habang ang kanyang kinakasama ay isang barker. RNT/SA