Home NATIONWIDE Dumadaming bilang ng batang ina ikinabahala ng CPD

Dumadaming bilang ng batang ina ikinabahala ng CPD

MANILA — Nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Population and Development (CPD) kaugnay ng pagtaas ng kaso ng pagbubuntis sa kabataan, lalo na sa mga batang wala pang 15 taong gulang.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, binigyang-diin ni CPD Undersecretary Lisa Grace Bersales ang pangangailangan ng komprehensibo at edad-angkop na edukasyon ukol sa sekswalidad upang masolusyunan ang nakababahalang trend na ito.

“Ang ating layunin ay protektahan ang mga kabataan mula sa pang-aabuso at bigyan sila ng kakayahan para makapagdesisyon nang tama,” ani Bersales.

Batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, tumaas ang bilang ng mga ipinanganak ng mga batang edad 10 hanggang 14 mula 2,411 noong 2019 sa 3,343 noong 2023, katumbas ng 6.6% na pagtaas.

Mas nakakabahala, 38 batang wala pang 15 taong gulang ang nakaranas ng paulit-ulit na pagbubuntis noong 2023, at 17 kababaihan na wala pang 20 taong gulang ang nakapanganak na ng lima o higit pa.

Ang problema ay pinakamatindi sa mga rehiyong may mataas na populasyon tulad ng Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon).

Nanawagan si Bersales ng agarang aksyon mula sa Senado upang maipasa ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill (Senate Bill 1979) na kasalukuyang nasa interpellation. RNT