Home NATIONWIDE PCO: Kumakalat na bidyo sa pag-apruba ng diborsyo sa Pinas, fake news!

PCO: Kumakalat na bidyo sa pag-apruba ng diborsyo sa Pinas, fake news!

Nilinaw ng Presidential Communications Office (PCO) na wala pang batas ukol sa diborsyo sa Pilipinas matapos kumalat ang isang video sa social media na nagsasabing inaprubahan na ito sa Pilipinas.

Nitong Enero 15, sinabi ng PCO sa pamamagitan ng kanilang fact-checking team, “Maging Mapanuri,” na hindi totoo ang laman ng video.

Ang video na na-post noong Enero 7 ay nagsabing legal na ang diborsyo sa bansa, ngunit ipinaliwanag ng PCO na ang Divorce Bill (House Bill 9349) ay kasalukuyang pinag-aaralan at hindi pa ito naisabatas.

Naipasa na ang bill sa ikatlong pagbasa sa House of Representatives noong Mayo 2024, ngunit nananatili itong nakabinbin sa Senado.

Kung maaprubahan ng parehong Kamara ng Kongreso, ipapasa ang bill sa pangulo para sa pirma. Hinimok ng PCO ang publiko na maging maingat sa mga maling impormasyon online. RNT