MANILA, Philippines – Maaaring maging panibagong saksi si dating Health Secretary Francisco Duque III upang mabuksan ang panibagong imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee’ P47.6 bilyong kontrobersiyal na pagbili ng suplay laban sa pananalasa ng COVID-19 na kinasasangkutan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Inihayag ito ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros matapos ilaglag ni Duque si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pasimuno ng paglilipat ng P47.6 biyong pondo ng DOH sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) sakaling muling buksan ng imbestigasyon.
“Matagal na namin gusto sana. Naghihintay lang talaga kami ng tinatawag na new matter. Bagong resource person or whistleblower or bagong ebidensya. Si former secretary Duque na sana ‘yun eh, kung sakali, di ba? Eh kaya lang, just a few hours later, binawi pa nila,” ayon kay Hontiveros sa Kapihan sa Senado forum kamakailan.
Napaulat na inamin ni Duque na iniutos ni Duterte ang paglilipat ng P47.6 bilyong pondo ng DOH sa PS-DBM sa panahon ng pandemya na pawang legal at kailangan kahit nahaharap siya sa kasong katiwalian.
Ayon kay Duque, hindi lamang naunawaan ng publiko ang paglilipat ng pondo nang aprubahan ito ng dating pangulo dahil ito lamang ang inisyal na tugon ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkakalat mng Covid-19 noong Abril 2020.
“Bumilib na sana ako kay former secretary Duque… If he now refuses to be part of finding the whole truth, it’s really his loss. Mostly it’s the loss of the Philippines at tayong mga Pilipino,” ayon kay Hontiveros.
“Magpupursige pa rin ‘yung mga puspusang nag-iimbestiga d’yan. Pero, loss kay dating secretary Duque na hindi siya magiging bahagi nun…Habang naghihintay pa rin ang Senado ng isang new matter, nagpapatuloy naman ‘yung iba pang mga government at constitutional bodies sa kanilang trabaho,” dagdag niya.
Iginiit ng mambabatas na hindi akma ang paglilipat ng bilyong pondo nang hindi sinuri at walang dokumento.
Umaasa si Hontiveros, isa sa lumahok sa imbestigasyon ng Pharmally scam noong 18th Congress, na mapapanagot ang sinumang responsible sa naturang katiwalian.
“Gaano man mga katagal nananalig ako, malalaman pa rin natin ang katotohanan at masisingil pa rin ang accountability ng lahat ng gumawa ng pera dyan,” aniya.
Aniya, kapag napatunayan na si Duterte ang nag-utos sa paglilipat ng pondo, malaki ang posibilidad na kasabwat siya ng Pharmally sa overpricing ng supplies kaya’t tungkulin nitong singilin ang dating pangulo sa kanyang pananagutan.
“Kung talagang mapatunayan namin na siya ‘yung nag-utos ng fund transfer, siya ay kasabwat sa mga ganyang kaduda-dudang procurement, kung siya ay kasabwat sa mga overpricing, then magiging tungkulin namin na singilin din ang kanyang accountability,” ani Hontiveros.
Naunang iniatas ni Ombudsman Samuel Martires ang pagsasampa ng kasong graft laban kay Duque at dating Budget undersecretary Christopher Lao, matapos matuklasan na illegal ang paglilipat ng P47.6 bi.yong pondo sa PS-DBM dahil hindi pumaloob sa common use supplies )CSE) ang bagay na binili ng ahensiya alinsunod sa itinakda ng batas. Ernie Reyes