Home HOME BANNER STORY Durog na corals sa Escoda Shoal posibleng natural – eksperto

Durog na corals sa Escoda Shoal posibleng natural – eksperto

MANILA, Philippines- Nagtungo sa Escoda (Sabina) Shoal sa West Philippine Sea ang isang marine scientist mula sa University of the Philippines upang magsagawa ng marine scientific survey at sinabi na ang mga natural na proseso ay maaaring bumuo ng mga tambak ng durog na coral malapit sa shoal.

Nang tanungin si Dr. Jonathan Anticamara  sa isang forum kung mayroon nga bang reclamation activities sa Escoda Shoal dahil ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), itinapon ang mga dinurog na corals bilang paghahanda para sa island-building ng China, sinabi nito na hindi pa sigurado sa ngayon ngunit mayroong lumalaking tumpok ng mga durog na bato na naobserbahan sa mga nakaraang taon.

“But since we didn’t see China dumping it… We’re not 100% sure if there is dumping or reclamation,”  sabi ng  marine scientist.

Ayon kay Anticama,  ang tumpok ng patay na corals ay “posibleng natural” at idinagdag na ang  lawak ng mga nasira o patay na corals ay maaaring nakatambak dahil sa mga tropical cyclone na tumama sa lugar.

Sinabi ni Anticamara na ang kamakailang pagsisid ng mga Tsino sa Escoda Shoal ay maaaring mga pagtatangka na pag-aralan ang mga korales sa lugar.

Magsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa bansa hinggil sa nasabing aktibidad.

Noong nakaraang buwan, inakusahan ng PCG ang China ng pagtatayo ng artificial island sa WPS.

Ayon kay PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela, itinapon ang mga patay at durog na coral sa sandbars ng Escoda Shoal na nagpabago ng kanilang laki at elevation.

Tinawag naman ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin noong Lunes na ang umano’y reclamation na “tsismis.”

Sa kabila ng hindi tiyak kung ang mga tambak ng patay na corals ay itinapon o natural, sinabi ni Anticamara na” “Kailangan nating bigyang pansin.”

Inulit ng marine scientist na ang coral sa Escoda Shoal ay halos 100% patay sa gitna ng naobserbahang malawakang coral bleaching.

Gayunman, sinabi ni Anticamara na walang sapat na ebidensya upang ituro ang malawak na pinsala sa coral sa mga aksyon ng China sa lugar.

Ang Escoda Shoal ay nagsisilbing tagpuan ng mga sasakyang pandagat na nagsasagawa ng resupply mission sa mga tropang Pilipino na nakatalaga sa BRP Sierra Madre, isang barkong nasa panahon ng World War II na nakasadasad sa Ayungin Shoal noong 1999.

Sa makalipas na ilang linggo, ang Escoda Shoal ay binabantayan din dahil sa tumataas na presensya ng mga Tsino at sa lumalalang alitan sa teritoryo. Jocelyn Tabangcura-Domenden