Bulacan – Sumalpok sa truck ang isang motorcycle rider matapos umanong tumakas sa check point ng pulisya sa lungsod ng Meycauayan madaling araw ng Mayo 17.
Sa imbestigasyon ng Meycauayan police station, bandang 1:15 ng madaling, isang lalaking nagmamaneho ng Mio Soul motorcycle ang umiwas at nagtangkang tumakas sa isinagawang anti-criminality checkpoint ng kapulisan kasama ang mga Tanod sa kahabaan ng McArthur Highway, Brgy. Saluysoy.
Sa kasamaang palad, aksidenteng bumangga ang rider na nakilalang si alyas “Andy” residente ng Brgy. 104, Caloocan City sa isang nakahintong tractor head truck hanggang sa tumalipon ito kaya nagtamo ng pinsala sa katawan at agad dinala sa ospital para sa medikal na atensyon.
Dahil dito, nadiskubre ng mga pulis ang ilang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang ng nasa 50 gramo na nagkalat sa lugar mula umano sa nakabukas na top box ng motorsiklo.
Nabatid na ang mga sasakyan at nakuhang ebidensya ay dinala sa nasabing istasyon habang ang hinihinalang shabu ay dinala sa BPFU, Camp Alejo, Malolos City para sa forensic examination at kaukulang disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa reklamong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property at paglabag sa R.A 9165 habang nakakulong sa istasyon. Dick Mirasol III