THE HAGUE, Netherlands – Pinagtibay ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na manatili sa detensyon ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte.
Sa pahayag ng ICC, nagkakaisang ibinasura ng Appeals Chamber ang lahat ng argumento ng depensa at kinumpirma ang naunang desisyon na panatilihin si Duterte sa ICC Detention Center sa The Hague, Netherlands dahil sa pangambang maaari siyang tumakas.
Ayon sa korte, tama ang naging desisyon ng Pre-Trial Chamber na umasa sa ulat ng panel ng independent medical experts kaysa sa ulat na isinumite ng depensa tungkol sa kalagayan ng kalusugan ni Duterte.
“The Panel’s Reports provide the most updated and reliable information on Mr Duterte’s health condition,” ayon sa Appeals Chamber, at idinagdag na walang bagong impormasyon ang ulat ng depensa.
Iginiit ng depensa na ang kanilang ulat ay bagong pangyayari sa ilalim ng Article 60(3) ng Rome Statute at dapat sana itong isaalang-alang. Ayon sa kanilang apela, “Mr Duterte’s continued pre-trial detention would, otherwise, have been unjustified.”
Gayunman, sinabi ng Appeals Chamber na ang ulat ng depensa ay hindi naglalaman ng bagong pagsusuri at nakabatay lamang sa mga naunang natuklasan ng medical panel.
Binigyang-diin din ng korte ang pagiging patas ng proseso. “With a view to preserving the fairness of the proceedings, the Chamber shall not rely on medical reports provided by a party to the proceedings,” anila, at ibinasura ang pahayag na nalalabag ang “equality of arms.”
Idinagdag pa ng korte na hindi sapat ang paglipas ng panahon upang mapalaya ang isang akusado. “The passage of time alone does not per se lead to the conclusion that circumstances have changed in favour of interim release,” ayon sa desisyon.
Ayon naman sa abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman, pinatitibay lamang ng pinakahuling desisyon ang polisiya ng korte. “The former President has already made his views known regarding the prospects of release in his waiver. In my opinion, the reasoning disclosed in the latest judgment simply reinforces the Court’s policy of never releasing any surrendered suspect in a crimes against humanity case – no matter what his personal humanitarian circumstances,” aniya.
Inaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 pagdating niya mula sa Hong Kong sa kahilingan ng ICC bilang bahagi ng imbestigasyon sa kanyang “war on drugs.”
Sa arrest warrant ng ICC, sinasabing bilang pangulo ay umano’y lumikha, nagpondo at nag-armas si Duterte ng mga death squad na sangkot sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga. Dinala siya sa The Hague sa Netherlands sa parehong araw ng kanyang pagkakaaresto. RNT/MND