MANILA, Philippines – PINABULAANAN ng mga supporter ng pamilya Duterte ang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na tumanggap sila ng pera kapalit ng kanilang presensiya sa EDSA Shrine sa Quezon City.
Sa report ni Bernadette Reyes’ sa “24 Oras,” may ilang supporters ang naglagay ng pansamantalang kama o higaan sa kahabaan ng kalsada habang nananatili ang mga ito sa EDSA Shrine sa mahigit na 24 oras.
“Itong EDSA Shrine, ito yung lugar na kung saan maglalabas ang taong bayan kapag ang namumuno sa isang bansa ay palpak. Dito nagaganap,” ang sinabi ng supporter na si Zaira Ampuan said.
Sinabi naman ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs at EDSA Shrine rector na, “Di naman unruly. Yung nga lang yung iba kumakain na sa loob ng simbahan dahil pagod na tsaka gutom. Nakita natin yung iba na nakasalampak, natutulog. Tapos yung iba nga kumakain na, umiinom ng tubig. Para bang clueless eh kung anong gagawin nila.”
Nauna rito, sinabi naman ni Secillano na nagsimula nang magtipon-tipon ang mga tao sa EDSA Shrine, Martes ng umaga.
“We were glad that they filled-up the pews which do not normally happen on weekdays. They will be allowed again to stay inside the shrine on the pretext that they are praying and not doing things not proper for a house of worship,”ang sinabi ng pari.
“We insist that proper decorum must be practiced in a sacred place, a house of worship and a repository of the Blessed Sacrament. Be informed that we won’t tolerate any unruly behavior and untoward activities that may compromise the sanctity and dignity of the House of God,” aniya pa rin.
Sa kaparehong araw, nagpalabas naman ang PNP ng video na nagpapakita na may ilang supporters ang inalukan ng pera kapalit ng kanilang presensiya sa EDSA Shrine.
“Pinangakuan daw na babayaran sila at pakakainin and in fact yung iba sa kanila ay nagrereklamo dahil allegedly ang pangako sa kanila ay bibigyan sila ng P500 for 3 days pero ang ibinigay lang ay P200,” ang tinuran ni PNP spokesperson P/Brigadier General Jean Fajardo.
Pinabulaanan naman ng ilang supporters na hindi sila binayaran, hindi bayaran at walang bayad na natanggap.
Inaasahan naman na ang mga supporters ng pamilya Duterte ay mananatili sa EDSA Shrine hanggang Huwebes. Kris Jose