Home NATIONWIDE Ex-Cong. Erice diniskwalipika ng Comelec

Ex-Cong. Erice diniskwalipika ng Comelec

Ipinagkaloob ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang petisyon na naglalayong idiskwalipika ang dating kinatawan ng Caloocan na si Edgar Erice mula sa 2025 May polls dahil sa pagpapakalat ng mali at nakakaalarma na impormasyon.

Ang petisyon ay inihain ng petitioner na si Raymond Salipot na inireklamo ang dating mambabatas dahil sa paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code (OEC) sa pamamagitan ng paggawa ng walang katibayan ngunit nakakagambala at nakakapinsalang mga pahayag laban sa Comelec at sa darating na halalan sa iba’t ibang pahayagan, online, at radyo.

“All statements made by Respondent contradict verifiable and widely available facts from the Comelec and all sources across platforms.”

“Glaring is the fact that there was not any modicum of evidence provided by Respondent aside from bare statements made in the media. Hence, the information propagated by Respondent on the general conduct of elections are false,” ayon sa desisyon ng Comelec.

Sinabi rin ng Comelec Second Division na ang ginawang pagpapakalat ng maling impormasyon sa maraming platforms ay nagpapalaganap ng kanyang sadyang layunin na guluhin ang halalan kaysa sa lehitimong pagpuna.

Matatandaang paulit-ulit na nanawagan ang mambabatas sa SC na ideklarang null and void ang P17.99-bilyong kontrata sa pagitan ng Comelec at Miru Systems para sa 2025 elections.

Noong Nobyembre, naghain si Erice sa SC ng suplemento sa isang naunang petisyon, na naglalayong ibasura ang kasunduan.

Naghain din si Erice ng reklamong anti-graft and corruption practice laban kay Comelec Chairman George Garcia sa Ombudsman kaugnay sa Miru deal. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)