Home OPINION KUMILOS NA LABAN SA PAGPAPALAYAS SA PINOY?

KUMILOS NA LABAN SA PAGPAPALAYAS SA PINOY?

PALAPIT nang palapit ang pagpapalayas ng mga Amerikano sa mga dayuhang iligal na naninirahan at nagtatrabaho sa United States.

Magsisimula ang pagpapalayas sa unang araw ng pag-upo ni Pangulong Donald Trump sa Enero 20, 2025.

Ang pagpapalayas sa aabot sa 11 milyong iligal na dayuhan ang umano’y tuloy-tuloy na gagawin nina Trump sa unang 100 araw nito sa pwesto.

Gagamitin umano nila ang kanilang mga sundalo sa paghahabol sa mga iligal saka sila ibibilanggo sa mga lugar na kanilang gagawin o itatayo nila hanggang mapasakay na sa mga sasakyang panlupa, pandagat panghimpapawid ang mga iligal.

Kasama sa mga pipilitin nilang isakay sa mga trak, tren, bus at iba pa ang mga papunta sa Canada, Mexico at karugtong ng Mexico patungong Central Amerika.

Ang mga nanggaling sa ibang mga bansa, barko at eroplano.

Ang mga Pinoy na nasa 370,000 lahat, pasasakayin sa mga eroplano o barko, depende kung ano ang ihahanda ng pamahalaang Pilipinas na sasakyan nila.

MALAKING TRABAHO AT GASTOS

Kung mapalalayas ang 370,000 Pinoy sa US, gaano karaming barko at eroplano ang gagamitin?

Gaano kalaking pondo ang gagamitin para sa mga walang kakayahang umuwi sa sarili nilang gastos?

Gaano karaming tauhan ng gobyerno ang kikilos upang maprotektahan at maging ligtas sa anomang kapahamakan ang mga Pinoy na apektado ng pwersahang pagpapabakwit ng mga Kano?

Paano naman ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas na maaaring mawalan ng maraming bagay?

Kasama na rito ang posibleng gutom sa kanilang mga pamilya at kawalan ng mapapasukang trabaho sa Pinas.

At kung may paghihirap, kasama rin sa maaapektuhan ang pag-aaral ng mga bata, pagpapagamot sa mga maysakit sa iba pa.

Kapag nakabalik na sa Pinas ang 370,000, ano nga pala ang gagawin para sa kanila ng gobyerno lalo’t sasabihin nila na kaya napunta sa US ay sa kawalan ng mahanap nilang kabuhayan sa Pinas?

Hindi biro-biro ang 370,000 iligal sa US dahil kung maaaring buo-buong pamilya ang binubuhay nila sa Pilipinas ay dapat na pag-ukulan din ang mga ito ng mahalagang pansin ng pamahalaan.

LIGAL NA LABAN

Tiyak na may lalaban nang ligal sa pagpapalayas sa kanila.

Pero tiyak na para lamang ito sa mga may hawak na dahilan o batayan.

Anoman ang mga kondisyon sa nasabing usapin, nasaan ang pagtulong ng pamahalaan sa mga lalaban nang ligal, dahil nangangahulugan ito ng malaki ring pondo mula sa kaban ng bayan.

Pero hindi dapat iasa sa ligal na laban sa mga klarong tago-nang-tago o TNT.

Kaya ngayon pa lang, dapat nang pagsama-samahin lahat ang kailangan para sa maaayos na pagpapauwi sa mga iligal na Pinoy at sa kanilang mga madadatnang pamilya sa Pilipinas.

‘Yung mga may kakayahang umuwi sa sariling diskarte at gastos, umuwi na lang.