Home NATIONWIDE Duterte supporters nagdaos ng prayer rally sa labas ng PH Embassy, Consulate...

Duterte supporters nagdaos ng prayer rally sa labas ng PH Embassy, Consulate sa US

UNITED STATES – Nagtipon-tipon ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Washington, DC at New York City nitong Linggo, Marso 16, para ipanawagan ang agarang pagpapalaya sa detention sa The hague sa Netherlands.

Nagtungo ang mga loyal supporter ni Duterte mula Virginia, Maryland, at Washington D.C. sa Philippine Embassy sa Washington, D.C. para magdaos ng “Solidarity Prayer Rally for Duterte.”

Samantala, nagtipon-tipon naman ang mga iba pang tagasuporta ni Duterte sa Philippine Consulate General sa New York.

Nagbigay ng panalangin ang mga lumahok sa pagtitipon, sa dating Pangulo na kasalukuyang nahaharap sa mga reklamong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng kanyang administrasyon.

Karamihan sa mga dumalo ay naging emosyonal at isinisigaw ang kanilang pag-aalala sa kalusugan ni Duterte habang nasa kustodiya ng ICC.

Samantala, nagsagawa naman ng hiwalay na kilos-protesta ang mga human rights advocate na nananawagan naman na panagutin si Duterte sa mga extrajudicial killings nito sa kanyang pamumuno.

Matatandaan na naaresto si Duterte noong nakaraang linggo matapos dumating sa Manila mula sa Hong Kong, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng ICC.

Agad itong inilipad patungo sa The Hague sa kaparehong araw at pumasok sa Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison noong Marso 13. RNT/JGC