Home HOME BANNER STORY Palasyo: Investors walang dapat ikabahala sa pag-aresto kay ex-PRRD

Palasyo: Investors walang dapat ikabahala sa pag-aresto kay ex-PRRD

MANILA, Philippines – WALANG dahilan para mag-alala ang mga investor sa kabila ng ‘political tensions’ kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa bisa ng International Criminal Court (ICC) warrant kaugnay sa di umano’y crimes against humanity.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na pinahahalagahan ng mga foreign investors ang bansa at lider na sumusunod sa tuntunin ng batas.

“Hindi po naalarma ang administrasyon patungkol po sa investors dahil ang mga foreign investors po ay mas gusto po nila na ang bansa at ang mga lider ay sumusunod sa batas,” ayon kay Castro.

Inakusahan si Duterte na sangkot sa pagpatay sa mga drug suspect nang siya ay Alkalde pa lamang ng Davao City at Pangulo ng Pilipinas.

Sa kabilang dako, binasura naman ni Castro ang alalahanin ng publiko na ang ICC case ay magsisilbing hadlang sa mga foreign investors, iginiit nito na hindi nila sinusuportahan ang mga lider na nagbibigay suporta sa mga indibiduwal na sangkot sa seryosong krimen.

“Hindi po nagkakanlong ng mga tao na involved po lalong lalo na sa crimes against humanity, specifically murder. Hindi po ina-ayunan talaga ‘yan ng mga foreign investors,” ang sinabi ni Castro. Kris Jose