MANILA, Philippines – HINAMON ng Malakanyang si dating presidential spokesperson Harry Roque na bumalik na ng Pilipinas matapos na lumutang at magpakita sa The Hague sa The Netherlands.
Hiningan ng komento si Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro hinggil sa pagpapakita ni Roque sa The Netherlands simula nung lumipad siya ng bansa matapos idawit sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
”I cannot speak [on] behalf of the quad comm, [on] behalf of the House of Representatives because it’s the arrest warrant ng House ang hindi napapatupad dahil po sa pagtatago ni Atty. Harry Roque,” ayon kay Castro.
”Mas maganda po siguro na i-challenge po natin siya na siya po ‘yung umuwi kasi di ba ‘Bring Home, FP Duterte,’ so siguro mas magandang isigaw po rin ng mga tao, ‘Bring Home Roque,” aniya pa rin.
Bukod kay Castro, nauna nang hinamon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago si Roque na lumantad bago umano himukin ang publiko na tumungo sa EDSA at maglunsad ng panibagong People Power laban sa kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa NBI chief, niloloko na lamang ni Roque ang kanyang mga tagasuporta sa social media dahil mismong siya ay nagtatago mula sa mga awtoridad.
Una nang napaulat ang pag-eskapo ni Roque papuntang ibang bansa matapos na maglabas ng arrest warrant ang House Quad Committee laban sa kanya noong nakaraang taon kaugnay sa ilegal na operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga.
Naniniwala naman si Santiago na hindi kailangang humantong sa pag-aaklas para maresolba ang kung anumang problema ng bansa.
Aniya, gumagana ang legal system sa gabay na rin ng Korte Suprema. Kris Jose