“Kung sa simpleng kautusan lang po ay hindi tayo makasunod, papaano tayo paniniwalaan ng ating mga kababayan?”
Ito ang pahayag ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kasabay ng kanyang paalala sa kanyang mga tagasuporta na iwasang maglagay ng kanilang campaign materials sa mga lugar na ipinagbabawal ng Commission on Election (Comelec).
Ayon sa nagbabalik at kandidatong alkalde ng Maynila na si Yorme Isko, malinaw sa umiiral na batas na Fair Election Act na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkabit, magdikit, o magsabit ng tarpaulin, posters, at iba pang campaign materials sa mga punongkahoy, poste ng kuryente at ilaw, footbridges, waiting sheds, kawad ng kuryente at sa mga pampublikong lugar tulad ng gusali ng pamahalaan at mga parke.
Bukod sa paglabag sa umiiral na batas ay makakadagdag din aniya ito sa maruming kapaligiran, lalu na sa Maynila, na itinuring na kapitolyo ng bansa.
Nauna ng binigyang-diin ni Domagoso na ang pagbabalik sa kalinisan at kaayusan ng Maynila ang bibigyan niya ng prayoridad sakali at mabigyan siya ng pagkakataong pamunuan muli ang lungsod.
“Nalulungkot po tayo, nangadugyot ulit ang Maynila ngayon. Ang krimen natin, hindi pwedeng itanggi, ang dami na namang holdapan. Nakikita niyo ang R-10. Kita niyo ang Taft Avenue. Naaawa ako kasi tumino na ang Maynila, nilinis natin ito noon. Ngayon, bumalik na naman ang kadugyutan at kawalan ng kapanatagan,” sabi pa ni Domagoso.
“Basic ‘to eh, hindi naman ito mahirap, hindi naman ito madali, pero kayang gawin ito ng pamahalaan. May awa ang Diyos, sa tulong ng mga taga-Maynila, we will bring back cleanliness and orderliness in the City of Manila,” dagdag pa ni Yorme Isko. JR Reyes