Daan-daang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagtipon sa Cesar Climaco Freedom Park sa Zamboanga City noong Miyerkules para sa isang candlelight rally matapos ang kanyang pag-aresto ng International Criminal Court dahil sa kasong crimes against humanity.
Bitbit ang mga plakard at nagpo-post ng mga video sa social media, nanawagan ang mga raliyista ng hustisya at nagpahayag ng suporta kay Duterte. Ayon sa ilan, mas umayos ang kapayapaan at kaayusan noong panahon ng kanyang administrasyon.
Bagamat planong gawin sa RT Lim Boulevard, inilipat ang rally sa Cesar Climaco Freedom Park matapos aprubahan ng lokal na pamahalaan. Isang katulad na pagtitipon ang isinagawa noong Martes ng gabi sa isang commercial center, habang nagkaroon din ng mga rally sa Ipil, Zamboanga Sibugay, at Pagadian City noong Miyerkules. RNT