Apat ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Longos, Malabon City nitong madaling araw ng Huwebes.
Kinilala ng isang kamag-anak ang mga biktima bilang tatlong magkakapatid at isang pamangkin na may edad siyam hanggang 38 taong gulang. Isa sa mga nasawi ay may kapansanan.
Ayon sa Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), nagsimula ang sunog bandang 3:45 a.m. at umabot sa first alarm pagsapit ng 3:52 a.m. Anim na bahay ang tinupok ng apoy, na nakaapekto sa 41 katao o 10 pamilya.
Idineklarang under control ang sunog bandang 6:52 a.m., ayon sa BFP-NCR. Merly Duero