NANAWAGAN ang Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights (OHCHR) para sa proteksyon ng mga testigo matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte para sa kasong ‘crimes against humanity’ sa International Criminal Court para sa extrajudicial killings (EJK) di umano na nangyari sa panahon ng kanyang panunungkulan.
“We do stress the importance of protecting victims and witnesses and preventing reprisals and retributions of any kind,” ang sinabi ni OHCHR spokesperson Ravina Shamdasani.
“As this important process moves forward, the families of those affected have shown great courage in pursuing justice over many years, and it is crucial that they are protected as this process moves forward,” dagdag na wika nito.
Ang eroplanong naglulan kay Digong Duterte na nagbyahe sa kanya palabas ng Pilipinas, Martes ng gabi patungo sa The Hague sa Netherlands.
Sa isang kalatas, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ng dumating si dating Pangulong Duterte sa Maynila mula Hong Kong, ang mga awtoridad ay nagsilbi ng warrant of arrest mula sa ICC laban sa dating lider.
Samantala, sinabi naman ni Shamdasani na sa kabila ng pagsisikap na repasuhin ang kaso ng extrajudicial killing, tanging apat lamang ang hinatulan.
“It is of course crucial to address such impunity,” aniya pa rin.
Sinabi pa rin ni Shamdasani na “It is essential that the next steps with respect to Mr. Duterte are undertaken in full accordance with the law, including applicable international human rights obligations of the Philippines.”
Sa oras na madetenido ang dating Pangulo sa Detention Center sa The Hague, Netherlands ang Pre-Trial Chamber ay magsasagawa ng pagdinig para kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng suspek, tiyakin na naiintindihan ng suspek ang reklamo laban sa kanya at magtakda ng petsa para simulan ang ‘confirmation of charges hearing.’
Ayon sa ICC, ang lahat ng detainees ay may karapatan na mag-apply para sa interim release kahit may nakabinbing paglilitis. Kris Jose