“NATUTUWA naman tayo, ginaya naman ng ibang mga kasamahan nating alkalde sa Kamaynilaan na nagkawanggawa at nagtulong-tulong na ang lahat sa Metro Manila.”
Ito ang ibinida ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domaoso hinggil sa ginawa niyang pagtugon sa kagipitan at programang pagbibigay ng ayuda na tinularan ng ibang lungsod noong panahon ng pandemya.
Ayon sa alkalde, kaagad niyang binuo ang planong “CODE-M” na ang kahulugan ay “Contain, Delay and Mitigate” na itinatag para labanan ang COVID-19 infection, antalain ang paglawak nito at mapagaan ang epekto sa ekonomiya at kabuhayan.
Sa nasabing plano, malaking puhunan ang kailangan para sa pagpapataas ng antas at modernisasyon ng pampublikong imprastraktura sa Maynila upang mapangalagaan ang kalusugan, pati na ang pagtiyak na may makakain ang mga mamamayan sa kapitolyo ng bansa.
“In the given situation, it is timely na lalong palawigin ang investment sa healthcare system, whether it’s a facility, training for healthcare personnel, or acquiring more medical professionals,” paliwanag ni Domagoso.
Aniya, bukod sa pagpapatayo ng mga bagong ospital, laboratoryo, at storage facilities, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng mga gamot, bakuna, pagkain, na may malaking epekto sa buhay ng tao..
“Sa Maynila kasi, 700,000 pamilya buwan-buwan, mayroong food box. Salamat sa Diyos, nakaraos naman tayo. Naitawid natin. Walang nagutom sa Lungsod ng Maynila, sabi pa ni Domagoso na kumakandidatong alkalde ng Maynila sa nalalapit na halalan. JR Reyes