MANILA, Philippines – Plano ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magdaos ng kilos-protesta sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25 kasabay ng mga nakatakdang pagdinig ng International Criminal Court (ICC), sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Lunes, Pebrero 23.
“Also, we have one na mula po sa pro-Duterte sa February 25. Yun po yung gaganapin na motorcade,” pahayag ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo sa press briefing.
Nasa kabuuang 13,448 tauhan ang ipakakalat para sa paggunita ng EDSA anniversary sa Metro Manila.
Ani Asilo, nakakuha na ng permit para sa prayer vigil at indignation rallies ng Trillion Peso March Movement, Tindig Pilipinas, ATOM organized by Caritas, at Akbayan party-list sa White Plains Avenue at Temple Drive.
Sa permiso mula sa Quezon City government, pumayag ang mga grupo na gamitin ang isang venue at isang stage na may maximum na 20,000 attendees.
Ipagbabawal naman ang paggamit ng vape, sigarilyo, plastic at styrofoam sa event.
Ayon sa NCRPO, nananatili namang no rally zones ang Mendiola at Malacañang areas.
Nakahanda pa rin ang mga awtoridad sakaling magkaroon ng kilos-protesta sa naturang mga lugar. RNT/JGC