MANILA, Philippines – Naghain na ng petisyon ang Duterte Youth Party-list sa Korte Suprema para kwestyunin ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) matapos kanselahin ang kanilang registration.
Sa kanilang Petition for Review on Certiorari, kinuwestyon ng Duterte Youth ang umano’y paglabag ng Comelec sa Konstitusyon at ang sinasabing grave abuse of discretion sa kanselasyon ng kanilang registration.
Kasabay ng paghahain ng petisyon, hiniling din nila sa Korte Suprema na mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO), Status Quo Ante Order, at agad na pag-raffle ng kaso sa isang justice o division ng Supreme Court upang mapabilis ang pagresolba nito.
Iginiit ni Duterte Youth Party-list Chairperson Ronald Cardema na walang basehan ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila at naniniwala siyang malakas ang mga ebidensyang kanilang inihain sa korte.
Naniniwala si Cardema na maglalabas ng TRO ang SC sa loob ng 30 araw mula nang ilabas ng Comelec en banc ang desisyon, upang hindi ito maging pinal at executory.