NEGROS ORIENTAL- Hindi inakala ng 36-anyos na lalaki na ang pagbisita nito sa kanyang nobya ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos barilin ng lolo ng huli, iniulat kahapon sa bayan ng Valencia.
Dead-on-the-spot ng biktimang hindi pinangalanan sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo habang dinakip naman ng mga awtoridad ang 83-anyos na suspek at residente ng Barangay Liptong, Valencia, Negros Oriental.
Batay sa report ng Valencia Police station, gabi noong Miyerkules Abril 2, 2025 dumalaw ang biktima sa kanyang nobya sa bahay ng suspek.
Sa pahayag ng babaeng apo ng suspek, bago ang krimen ay nag-uusap sila ng biktima sa sala at makalipas ng ilang minuto ay nagtungo ang nobyo nito sa kanilang silid.
Dito, bigla na lamang siyang nakarinig ng putok ng baril at duguang bumulagta sa sahig ang biktima at wala nang buhay.
Agad namang humingi ng tulong sa mga awtoridad ang apo ng suspek na nagresulta sa pagkakadakip ng kanyang lolo.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek na napagkamalan niyang magnanakaw ang biktima kaya niya ito na baril.
Desidido naman ng pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong pagpatay at illegal possession of firearm at Commission on Elections gun ban. Mary Anne Sapico