Home NATIONWIDE E-Governance Bill itinulak ni Bong Go 

E-Governance Bill itinulak ni Bong Go 

MANILA, Philippines- Sa kanyang co-sponsorship speech, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang transformative potential ng Senate Bill No. 2781, na kilala rin bilang E-Governance Bill. 

Ang iminungkahing batas ay upang gawing moderno ang mga operasyon sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga digital na paraan, upang ang mga serbisyo ay mas madaling ma-access, transparent, at mahusay.

Sinabi ni Go na matagal na niyang ipinagtatanggol ang e-governance kaya naghain siya ng sariling bersyon ng panukalang batas. 

“I filed Senate Bill 194 because it is my belief that with e-governance, we are not just embracing new technology, we are also enhancing government’s transparency, efficiency, and accessibility,” ani Go.

Inilatag ng senador ang pangunahing layunin ng panukalang batas: gawing mas madaling maabot ng mga ordinaryong Pilipino ang mga serbisyo ng gobyerno, partikular ang mga manggagawa, mangingisda, magsasaka, estudyante, at mga naghahanap ng kabuhayan.

“Layunin po ng E-Governance Bill na mas ilapit natin sa mga ordinaryong Pilipino… ang mga serbisyo ng gobyerno. Gamit ang makabagong teknolohiya, mas madaling matutugunan ng gobyerno ang mga hinaing at pangangailangan ng ating mga mamamayan,” idiniin ni Go.

Direktang binanggit ni Go ang teorya ng kontratang panlipunan, na ginamit niya upang bigyang-diin ang tungkulin ng gobyerno na maghatid ng mga serbisyo sa publiko.

“Nang maitatag ang Republika na ito mahigit isang siglo na ang nakalilipas, ito ay itinatag sa pangunahing prinsipyo na ang mga tao ay nagkasundo na magtatag ng isang pamahalaan na maglilingkod, magpoprotekta, at magsusulong sa kapakanan ng mga tao. Nangako ang mga Pilipino na babayaran ang kanilang buwis, halimbawa, para suportahan ang mga operasyon ng gobyerno, bilang kapalit, ang iba’t ibang serbisyo ay ihahatid sa ating mga tao.”

Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng panukala, pinasalamatan ni Go si Senador Alan Peter Cayetano na pangunahing nag-sponsor nito at itinuro kung paano inihayag ng pandemyang COVID-19 ang kagyat na pangangailangan para sa mga naturang reporma.

Binanggit niya ang mga benepisyo ng elektronikong sistema, kabilang ang kakayahang i-streamline ang mga proseso, bawasan burukratikong red tape, at magbigay ng mas mabilis na serbisyo sa mamamayan. 

Mababawasan din nito ang mga gastos sa pangangasiwa at pagkakataon para sa katiwalian.

Sa e-governance aniya, ang mga mamamayan ay madali nang ma-access ang mga pampublikong serbisyo tulad ng mga permit, pagbabayad ng buwis, at aplikasyon sa serbisyong panlipunan. 

Higit pa rito, ang e-governance ay nagtataguyod ng seguridad ng data. Sa pamamagitan ng  digital framework, maaari matiyak na ang mga mahahalagang talaan ay ligtas at hindi madaling mawala o mapinsala.

Sinabi ni Go na ang pagyakap sa teknolohiya ay hindi lamang tugon sa pagbabago ng panahon kundi isang responsibilidad ng pamahalaan na umunlad at maging angkop sa kasalukuyang pangangailangan ng mga mamamayan. RNT