MANILA, Philippines- Pinuri ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa pagtupad sa pangakong pagagaanin ang kalagayan ng mga Pilipinong magsasaka at palalakasin ang kanilang produktibidad na magbabalik aniya sa pag-unlad sa kanayunan at paglago ng sektor ng agrikultura.
Sa pamamahagi ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) na ginanap kahapon sa compound ng DAR sa Quezon City, pinangunahan nina Pangulong Marcos at DAR Sec. Conrado Estrella III ang turnover ng 1,118 COCROM sa mahigit 1 libong Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Bulacan.
Ang mga lupang pang-agrikultura na sakop ng COCROMs ay may kabuuang 1,728 ektarya na sumasaklaw sa 12 lokalidad sa lalawigan, kabilang ang San Miguel, Baliwag, San Rafael, San Ildefonso, Angat, Bustos, Norzagaray, Balagtas, Bocaue, Pandi, San Jose Del Monte, at Sta. Maria.
Buburahin ng COCROM ang lahat ng hindi nabayarang principal amortization, interes, at surcharge sa mga lupang pang-agrikultura na iginawad sa mga ARB na nagkakahalagang P275 milyon.
Ang “condonation” sa mga pautang ng mga benepisyaryo ng agrarian reform ay ipinag-uutos sa ilalim ng Republic Act 11953, ang New Agrarian Reform Emancipation Act, na pinagtibay noong Hulyo ng nakaraang taon.
Bukod dito, 343 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) ang iginawad sa 287 ARBs sa Nasugbu, Batangas, na sumasakop sa 233 ektarya.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Tolentino sa mga benepisyaryo ng magsasaka na ang mga COCROM at CLOA na kanilang natanggap “ay higit pa sa titulo sa mga lupang agraryo na kanilang binubungkal, ngunit isang patunay ng tunay na pangako ng gobyerno na tulungan sila.”
Sinabi rin niya sa audience na bilang majority leader, makatitiyak ang mga magsasaka na uunahin ng Senado ang mga hakbang para iangat at gawing moderno ang agrikultura ng Pilipinas.
Sa huli binati ni Tolentino si Sec. Estrella (Setyembre 12) at Pres. Marcos (September 13), na isang araw lang ang agwat ng mga kaarawan: “Consider this as the birthday gift of President Marcos and Sec. Estrella to all of you!” ang sabi ni Tolentino sa farmer-beneficiaries. RNT