MANILA, Philippines- Muling na-contempt si dating Presidential spokesperson Harry Roque at ipinag-utos na iditene sa Kamara hangga’t hindi nito naisusumite ang mga kinakailangang dokumento na magpapatunay na wala siyang koneksyon sa Philippine offshore gaming operators (Pogo) hubs.
Inaprubahan ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang mosyon ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores sa House quad committee hearing nitong Huwebes matapos ang patuloy na hindi pagtalima ni Roque sa subpoena na Kamara.
“I move that we hold Harry Roque in contempt for refusing to submit the documents subject of this subpoena, of which he has manifested that he was going to submit to this committee,” mungkahi ni Flores.
Mahalaga ang mga dokumento tulad ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Roque upang matukoy kung hindi nga ito kumita mula sa Pogo hubs, base kay Batangas Rep. Gerville Luistro.
Matatandaang tinabla ng panel ang motion to quash na inihain ni Roque sa subpoena na ipinalabas laban sa kanya.
Iminungkahi rin ni Flores na iditene si Roque hanggang maisumite nya ang mga dokumento o ma-dissolve ang quad committee. Inaprubahan din ni Barbers ang mosyong ito.
Magugunitang ipinag-utos na iditene si Roque noong nakaraang buwan, subalit sa loob lamang ng 24 oras, dahil sa pagsisinungaling umano sa parehong komite kung bakit hindi siya nakadalo sa unang pagdinig sa Pampanga.
Iniuugnay si Roque sa Lucky South 99, ang sinalakay na Pogo hub sa Porac, Pampanga, matapos makita sa mga dokumentong natuklasan ng mga operatiba ang kanyang lagda.
Subalit, itinanggi ni Roque na may kinalaman siya sa Pogo hub. RNT/SA