MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Parañaque City government ang pagbabawal sa mga electric tricycle o e-trike sa apat na pangunahing kalsada bilang paghahanda sa ASEAN Summit sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Sakop ng pagbabawal ang Roxas Boulevard, Airport Road, Quirino Avenue at NAIA Road.
Nagsagawa ng inspeksyon ang Tricycle Regulatory Office (TRO) sa mga pangunahing lansangan noong Oktubre 27 upang paalalahanan ang mga e-trike driver sa umiiral na traffic restrictions.
Ayon sa TRO, kailangang sundin ng mga driver ang mga itinakdang ruta upang mapanatili ang kaligtasan at maayos na daloy ng trapiko habang papalapit ang regional summit.
Binalaan din ang mga e-trike driver na maaari silang sitahin ng traffic enforcers kapag dumaan sa mga ipinagbabawal na kalsada.
Pinayuhan ang mga operator na tiyaking pinapayagan ang kanilang ruta bago bumiyahe at gumamit lamang ng mga kalsadang bukas para sa kanilang mga sasakyan.
Pinangunahan ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez ang paghahanda ng lungsod para sa ASEAN Summit, partikular sa traffic management dahil sa lokasyon ng lungsod malapit sa Ninoy Aquino International Airport.
Pinayuhan din ang mga motorista na bantayan ang mga opisyal na traffic advisory para sa posibleng karagdagang restrictions o pagbabago sa road arrangements habang papalapit ang summit. Dave Medina