MANILA, Philippines – Iimbitahan ni Senador Erwin Tulfo ang mga e-wallet providers, telcos, at social media platforms sa gagawing pagdinig ng Senate Games and Amusements Committee ukol sa online gambling.
Giit ni Tulfo, dapat may pananagutang panlipunan ang mga negosyo at hindi puro kita lang ang iniisip.
Kasama rin sa iimbitahan ang PAGCOR, Department of Finance, at mga law enforcement agencies. Target ding ipatawag ang YouTube, Facebook, at TikTok.
Nagpahayag naman ng suporta ang e-wallet provider na Maya sa mas mahigpit na regulasyon at consumer protection sa digital finance.
Ipinanukala ni Tulfo ang total ban sa online gambling, dahil aniya, mas malaki ang pinsalang dulot nito sa lipunan kaysa sa kita. “Ang sugal ay bisyo—nakakasama sa sarili at sa komunidad,” aniya.
Samantala, nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa DepEd, CHED, at TESDA na magsalita laban sa paglaganap ng online gambling. “Papayag ka sa ₱50B kita sa online gambling pero ituturo sa kabataan ang sipag at disiplina?” tanong niya. RNT