Home SPORTS Eala umusad sa q’finals ng WTA 250 Eastbourne Open

Eala umusad sa q’finals ng WTA 250 Eastbourne Open

SUMAMPA sa quarterfinals ng WTA 250 Eastbourne Open si Alex Eala matapos talunin ang world no. 13 na si Jelena Ostapenko.

Natalo si Eala sa unang set, 0-6, ngunit bumawi sa sumunod na dalawang set, 6-2, 3-2, bago magdesisyong umatras si Ostapenko dahil sa injury.

Sa loob ng isang oras at 37 minuto, pinatunayan ni Eala na hindi tsamba ang kanyang naunang panalo laban kay Ostapenko sa Miami Open.

Nanguna siya sa ikatlong set, 2-0, bago napilitang umatras ang Latvian star.

Ipinamalas ng 20-anyos na si Eala ang kanyang mental toughness matapos makabawi mula sa mahinang simula.

Sa second set, mabilis siyang lumamang at nakuha ang kontrol sa laban.

Ngayon, hinihintay ni Eala ang kanyang makakalaban sa quarterfinals sa pagitan ni Francesca Jones ng Great Britain at Dayana Yastremska ng Ukraine. Si Jones ay kasalukuyang world no. 125, habang si Yastremska ay no. 45.GP