Bulacan, Philippines – Nanawagan sa Commission on Elections ang ‘concerned citizens’ sa bayan ng Bustos, Bulacan, para sa agarang aksyon hinggil sa umano’y magaganap na ‘early voting’ ngayong Sabado at Linggo kung saan bukod sa karagdagang suhol, lalagyan na rin umano ng ‘indelible ink’ ang daliri ng mga botante upang palabasin na bumoto sila bago pa man ang halalan.
Batay pa rin sa impormasyong nakalap, ilang kabahayan sa Bgy. San Pedro ang natukoy na magsisilbing ‘polling centers’ ng mga botante upang matiyak ang panalo ng dalawang kandidato sa lokal na posisyon na kilalang kapanalig naman ng mataas na lider sa Kapitolyo ng Bulacan sa Malolos City.
Kamakailan, nabunyag ang tinatawag na ‘Bustos Big Four’ na grupo ng mga pamilya at negosyante sa Bustos na namudmod ng P2,000 bawat botante kapalit ng suporta para sa nasabing mga kandidato.
Ang isa sa mga kandidato ay biglaang napunta sa Provincial Board ng Bulacan matapos ang isang insidente ng karahasan sa Malolos City noong nakaraang taon.
Tinatayang may higit 50,000 ang botante sa buong Bustos habang tatlo naman ang maglalaban bilang alkalde, dalawa bilang vice mayor at 21 naman ang kandidato sa lokal na konseho.
Matapos ang unang buhos ng vote buying na naganap umano sa linggong ito, nangako pa ang Big Four nang dagdag na suhol subalit lalagyan na umano ng indelible ink ang mga daliri ng mga botanteng lalahok sa ikinakasang dayaan.
Target umano ng election cheating ang kampo ng mga kalaban ng mga nasabing kandidato na patuloy ang pamamayagpag sa mga survey sa Bustos at inaasahang mananalo sakaling ngayon gagawin ang halalan. RNT