ENHANCED Comprehensive Local Integration Program o ECLIP ang masasabi kong nagsisilbing tulay sa mga miyembro ng komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF na sumuko na lamang at iwan na ang samahan nilang wala namang patutunguhan.
Sa ECLIP, ang mga nagbabalik-loob sa pamahalaan ay binibigyan ng pangkabuhayang para sa kanilang panimulang pamumuhay ng maayos sa lipunang dati naman nilang ginagalawan.
Ang mga naulila namang kabataan ng mga napaslang na miyembro ng New People’s Army ay ginagawaran din ng tulong, kadalasan ay nagsisimula pa ito mismo sa ating mga kawal na nakatagpo ng mga kabataang ito.
Natatangi ang ganitong pagpapakita ng malasakit ng ating mga sundalo at hindi naman ito ginagawa ng mga komunistang-terorista. Basta’t ang hangarin lamang ng ating mga sundalo ay malimutan ng mga kabataan nilang tinulungan ang trahedyang naranasan, nang sa ganoon ay maitaguyod nila ang sarili at pahalagahan ang buhay at pamilya.
Sa loob ng tatlong buwan, sa pagsisikap ng Armed Forces of the Philippines na magapi ang NPA, nakahikayat ang mga ito ng mga taga-suporta ng huli na makiisa na sa pamahalaan kaya naman 374 rebeldeng sumuko, 15 naaresto, 33 napaslang sa labanan, 56 na taguan ng NPA ang nadiskubre kasama ang pagkakabawi ng 221 iba’t ibang uri ng armas at 71 anti-personnel mines na naisuko.
Ang Surigao del Norte nga kamakailan lamang ay nakapagdeklara na, na wala ng mga rebeldeng komunistang-teroristang ang kanilang lugar.
“Insurgency-free” na nga raw ang Surigao del Norte, ayon sa mga lokal na opisyal doon dahil sa sama-sama at nagkakaisang mamamayan at pamahalaan sa panghihimok sa mga komunistang-terorista na sumuko at nabigyan pa ng ECLIP.
Patunay ito na nagtatagumpay na nga ang kampanya ng AFP sa panghihimok sa mga rebelde na sumuko na lamang nang sa ganoon ay pumasok naman ang kapayapaan at kaunlaran sa mga malalayong komunidad na naipit sa pang-gugulo ng mga CPP-NPA-NDF.
Malaking bagay ang ginagawa rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa isyung ito na mabawasan ang bilang ng mga rebelde at maibalik ang katatagan sa mga lugar na dati ay pinipeste ng mga CPP-NPA-NDF. Ang susi nito ay ECLIP.