HINDI na kailangan pang magsagawa ng internal cleansing sa pambansang pulisya, iyan ang paniwala ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police na si P/Gen Rommel Francisco Marbil.
Sa madaling salita, sinalungat ni Marbil, produkto ng Philippine Military Academy Sambisig Class of ’91, ang kanyang upper class na dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, sa rekomendasyon nitong ipagpatuloy ang programang ‘internal cleansing’ o paglilinis ng organisasyon mula sa mga katiwalian upang mas mapataas pa ang tiwala sa kanila ng publiko.
Naniniwala si Marbil na walang dapat baguhin sa PNP at ang tanging kailangan ay alamin ang tamang direksyon at mas mahusay na pamantayan na dapat sundin ng mga pulis.
Talaga ba Gen. Marbil? Walang dapat baguhin sa organisasyon? Eh paano ‘yung mga ligal na holdap na ginagawa ng mga pulis na nakatalaga sa mga “juicy unit”? Hindi naman siguro kaila sa iyo na may kanya-kanyang raket ang mga iyan at ang masaklap ay ginagawa nilang palagatasan ang ibang negosyo na bagaman ligal ay binubutasan nila upang maka-“harbat” ng salapi.
Huwag niyang sabihin na ang mga pulis traffic ay hindi kumikita sa mga terminal ng mga pampasaherong jeep? Kahit nga terminal ng tricycle ay pinapatulan ng mga ito.
Kahit nga ang mga nagluluwas ng gulay at pumupwestong magtitinda sa ilang mga kalye na mataong lugar o kaya ay palengke ay kinokolektahan ng ilang mga buwayang pulis.
Ang mga Chinese na maliliit ang negosyo ay madalas pasyalan ng mga ito at huthutan sa halip na ituro ang tamang proseso sa pagnenegosyo. Iyan ba ang tama sa iyong paniwala, P/Gen Marbil.
Isang halimbawa na lang ang Divisoria sa Maynila. Hindi ba’t maraming pulis ang nakikinabang sa mga nagluluwas ng paninda dahil kanila ang mga itong hinihingian ng lagay? O baka nga mali ako. Baka nga ilan lang ang nakikinabang pero mga pulis pa rin ang pangunahing kasabwat ng mga nangongolekta ng “tong-pats” sa mga negosyante.
Hindi lang mga magtitinda ang kanilang “pinupugo” o binibiktima subalit maging ang mga simpleng nagtatrabaho lalo na sa mga talyer na kanilang iniimporta kapag may sira ang kanilang mga sasakyan.
Sa palagay pala ng PNP chief ay matitino na lahat ang mga pulis. Maraming matitino at maayos, totoo yan. Pero mayroon pa rin at hindi na mabilang sa daliri ang mga “bulok” sa organisasyon.
Kaya mga brad, sa palagay n’yo ba tama ang bagong PNP chief ?