Home OPINION SURVEY FIRMS MAGAGAMIT NANG TODO

SURVEY FIRMS MAGAGAMIT NANG TODO

LUMABAS sa sarbey ng Pulse Asia noong Marso 6-10, 2024, na tabla sina Vice Presisdent Sara Duterte at Sen. Raffy Tulfo bilang pangunahing kandidato sa pampanguluhan sa 2028 elections.

Habang bumaba naman ang performance ratings nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at VP Sara sa isinagawa ring sarbey ng Pulse Asia nitong Marso. Mula 68 porsyento noong Disyembre, 2023 ay bumaba sa 55 porsyento ang trust rating ni Pangulong Marcos habang si Duterte ay bumaba mula 74 porsyento noong Disyembre 2023 tungo sa 67 porsyento nitong Marso 2024.

Ayon naman sa survey firm na Tangere, bahagyang tumaas ang public trust at satisfaction rating ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa sarbey na isinagawa ng kanilang kompanya noong nakaraang buwan.

Batay sa Tangere survey, nakatanggap si Romualdez ng 41% satisfaction rating na tumaas ng 1% kumpara sa survey noong Pebrero.

May nagsabi na ang dahilan nang pagbaba ng performance and satisfactory ratings ni Pangulong Bongbong ay dahil sa pagpupumilit na maipatupad ang charter change.

Eh ano naman ang dahilan nang pagbaba ng trust rating ni VP Sara? Ang pagdalo niya sa rally na isinagawa ng mga taga-suporta ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo C. Quiboloy?

Habang ano rin ang dahilan kaya sa pagtaas ng satisfactory ratings ni Romualdez?

Kanya-kanyang pakulo lang naman ang nangyayari. Kung sino ang nagkomisyon ng sarbey, ay tiyak na papabor sa kanya ang resulta.

Sa kaso ng sarbey sa pampanguluhan, napakaaga pa para mangomisyon nito pero dahil may nais na palabasin ang nagpagawa nito, ngayon pa lang ay ikinukondisyon na ang isip ng mga botante.

Pinalulutang na kaagad ang pangalang Tulfo dahil batid nilang kapag inilantad na kaagad ang totoong kandidato ay tiyak na mangungulelat pa ito kaya pinaghahandaan na kung paano patataasin ang rating nito.

Kaya naman tiyak na tiyak na kikita ang iba’t ibang survey company dahil tiyak na gamit na gamit din sila sa mga ipakokomisyong sarbey para lang lumutang na malaki ang pagnanais ng mamamayan na tumakbo sa halalan ang mga kandidatong nagnanais na maupo sa pinakamataas na pwesto o pwestong inaambisyon nila noon pa man.