Home OPINION HEAT STROKE AY LABANAN

HEAT STROKE AY LABANAN

NAKAAALARMA ang sobrang init ng panahon ngayon.  Alam n’yo bang umaabot na sa temperaturang 40 degree Celcius at maaaring higit pa ang heat index sa ibang parte ng ating bansa?

 

Para sa inyong kaalaman dear readers, hindi lamang nakamamatay na heat stroke ang puwedeng maging epekto ng exposure sa sobrang init. Ayon sa Center for Disease Control and Prevention o CDC ng United States, maaari din tayong makaranas ng mild effects tulad ng heat exhaustion, collapse (syncope) at heat cramps. Ano ang mga solusyon para rito?

 

Kinukonsidera ng Department of Health ang heat stroke bilang isang kaso ng medical emergency. Nakararanas din ng dehydration ang taong na-heat stroke. Kung hindi maaagapan, maaaring maapektuhan nito ang ating brain, heart, kidney at mga muscle.

 

Ayon pa sa DOH, karaniwang tinatamaan ng heat stroke ang mga taong nasa edad 50 pataas gayundin ang mga malulusog na batang atleta at iba pa na madalas nabibilad sa init ng araw. Hindi rin makaliligtas sa heat stroke ang mga bata at matatanda na mabagal mag-adjust ang katawan kapag na-expose sa sobrang init gayundin ang mga taong dumaranas ng hypertension, diabetes mellitus, kidney disease, mental illness, alcoholism at lagnat.

 

                               Ano ang mga solusyon laban sa heat stroke?

 

Malaki ang maitutulong nang pag-inom ng napakaraming tubig. Naaalala ko pa noong nasa ibang bansa tayo, required sa amin ang uminom ng tubig at minsan pa ay binibigyan kami ng nurse ng inuming fluid and electrolyte replacement water na utos ng kompanyang aming pinagsisilbihan. Sa kasuotan, mas mainam kung magagaan at light-colored lamang ang isinusuot.

 

Mamalagi na lang sa loob ng bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas. Sa mga nagtatrabaho, sundin ang panuntunan ng employer patungkol sa heat stroke prevention. Tumawag kaagad sa medical emergency hotline kapag may nararamdamang kakaiba sa katawan o kung may namataang kasamahang nawalan ng malay. Iwasan muna ang pag-inom ng iced tea, alcoholic beverages, soda at coffee. Magtubig na lang muna tayo.

Previous articleTRANSPORT CRISIS NAMAMAYAGPAG PA RIN 
Next articleSURVEY FIRMS MAGAGAMIT NANG TODO