Home OPINION TRANSPORT CRISIS NAMAMAYAGPAG PA RIN 

TRANSPORT CRISIS NAMAMAYAGPAG PA RIN 

SIMULA sa Abril 15, ipagbabawal na sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang mga e-bikes at e-trikes. Ang pasyang ito ng Metropolitan Manila Development Authority ay marahil panandaliang tugon sa isang mas malawakang krisis sa transportasyon.

Totoo, walang pag-aalinlangang ang e-bikes at e-trikes na ito ay nagiging dahilan ng mga aksidente sa kalsada, pero ang pagtataboy sa kanila mula sa lansangan ay lalo lamang nagbibigay-diin sa seryosong problema ng metropolis sa pampublikong transportasyon.

Sa pagpaparusa sa mga driver at pagkikibit-balikat sa usapin, ipinakikita lamang ng gobyerno ang kabiguan nitong mabigyan ng sapat na solusyong pangtransportasyon ang mga Pilipino. Isa itong nakalilitong pagpapakita ng maling pagpaprayoridad sa mga bagay-bagay.

Maiintindihan namang pipiliin ng MMDA na magpatupad ng mga paghihigpit alang-alang sa pangunahing tinutugunan nito — ang pangkalahatang kaayusan ng trapiko at kaligtasan ng publiko. Kung nagpakaabala lang sana itong magsagawa ng mga pampublikong konsultasyon, malamang na ipapamukha ng mga taga-siyudad ang kawalan ng epektibong mass transport systems sa rehiyon para mabigyang-katwiran ang pasya nilang magkaroon ng uubrang alternatibo.

Kinwestiyon kamakailan ng “Move as One Coalition” ang desisyong ito ng MMDA, ipinagdiinan ang estadistika na nagsasabing halos walang naitatalang aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng e-vehicles kung ikukumpara sa mga kotse at motorsiklo.

Bukod ito, ang apelang makialam na sa usapin si President Ferdinand Marcos Jr. ang nagpapatunay na talagang seryoso ang sitwasyon. Sa tigil-operasyon ngayon ng Philippine National Railways at sa papalapit nang mga deadline sa pagkumpleto sa mga programang pangtransportasyon ng gobyerno, napakahalagang magkaroon ng ‘decisive action’ ang mga namumuno sa atin.

Panahon nang itigil ng gobyerno ang bureaucratic posturing at tutukan ang pagkakaroon ng mga kongkretong solusyon sa matagal ng problema ng Metro Manila sa transportasyon. Ang anomang pambabalewala rito ay isang diretsahang pang-iinsulto sa pangunahing karapatan ng mga Pilipino na magkaroon ng maaasahan at agarang transportasyon.

                                     Tama ang desisyon ng DepEd

Ang pasya ng Department of Education na suspendihin ang klase nitong Abril 1 at 2 dahil sa matinding init ng panahon ay hindi lamang napapanahon kundi napakaimportante rin.

Isa itong magandang halimbawa para sa mga paaralang elementarya at high school kapag ang face-to-face classes ay naglalantad sa mga estudyante sa pagtitiis sa delikadong temperatura at hindi maayos na sitwasyong pampaaralan.

Ang panawagan ni Senator Win Gatchalian para sa blended learning nitong Martes ay nagbibigay-diin sa pangangailangan na unahin ang kaligtasan ng mga estudyante sa gitna ng iba’t ibang panganib na pangkalusugan, tulad ng pertussis outbreaks at ng delikado at sobrang init na panahon.

Ang outbreak ng pertussis sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ay nagkukumpirma sa agarang pangangailangan na magkaroon ng preventive measures at pamamahagi ng bakuna.

Tama ring ipagdiinan ni Senator Jinggoy Estrada ang direktiba ng DepEd noong 2022 na nagpapahintulot sa pagpapatupad ng blended learning kapag may mga emergency bilang isang praktikal na solusyon. Napatunayan nang ang pamumuhunan sa tamang imprastruktura, gaya ng karagdagang silid-aralan at ventilation systems, ay mahalaga upang masiguro ang kapakanan ng mga estudyante.

Sa pagsirit ng temperatura sa nakababahalang antas, dapat na agarang umaksiyon ang gobyerno upang matiyak na maayos ang learning environment sa mga paaralan habang pinangangalagaan ang kalusugan ng susunod nating henerasyon.

                                                              *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

Previous articleCALOOCAN PARTNERS WITH USAID, PBEd
Next articleHEAT STROKE AY LABANAN