OZAMIZ CITY- KAAWA-AWA ang sinapit ng isang at tatlo nitong anak kabilang ang kambal matapos tupukin ng apoy ang kanilang tinitirhan apartment noong Miyerkules sa lungsod na ito.
Kinilala ang nasawi na si Divina Gracia Godiz, 29, 5-anyos nitong anak na babae at kapapanganak lamang nitong kambal, lahat ay nakatira sa Abastillas apartment, Purok Green Valley, Barangay Tinago, Ozamiz City.
Batay sa report ng Bureau of Fire Protection Ozamiz City, bandang 4:20PM ng magsimula ang sunog sa dalawang palapag na apartment sa nasabing lugar.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, bigla na lamang lumiyab ang poste hanggang sa gumapang ito sa ikalawang palapag ng apartment na tinitirhan ng mag-iina.
Ayon sa ama ng Divina na si Domingo, posibleng ang paggapang ng apoy mula sa poste ay inabot nito ang kurtina hanggang sa kumalat sa rubberized floor mat.
Aniya, tinangka pa nilang iligtas ang kanyang anak at mga apo subalit sobrang kapal na ng usok at paglaki ng apoy.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng pamatay-sunog sa nasabing lugar at makalipas ang oras ay naapula ang sunog at nakita na lamang ang sunog na bangkay ng mag-iina.
Nanawaga naman si Acting City Fire Marshal Fire Senior Inspector Erwin Peter Macamay sa publiko na kapag may sunog sa kanilang lugar ay agad na ipagbigay-alam sa malapit na fire station sa kanilang lugar sa halip na unahin ang pagkuha ng video para agad na maagapan ang sunog.
Dismayado naman ang city fire marshal ng lungsod dahil nasa 350 lamang ang layo ng kanilang istasyon ay hindi sila napuntahan ng mga residente para ipaalam ang pangyayari.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang halaga ng ari-arian tinupok ng apoy./Mary Anne Sapico