Home HOME BANNER STORY ‘Trespassers’ sa S. China Sea aarestuhin ng Tsina; PH pumalag

‘Trespassers’ sa S. China Sea aarestuhin ng Tsina; PH pumalag

MANILA, Philippines- Naglabas ng regulasyon ang China na nagsusulong ng pag-aresto sa mga sibilyan sa South China Sea kasunod ng Philippine civilian mission sa West Philippine Sea (WPS) na natapos nitong Biyernes.

Maaaring iditene ng China Coast Guard (CCG) ang “trespassers” nang walang paglilitis, batay sa ulat ng South China Morning Post nitong Huwebes, ayon sa regulatory document ng Beijing na nakatakdang umiral sa Hunyo.

“Foreigners suspected of illegally passing China’s borders can be held for up to 60 days,” base sa media report.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Chinese Embassy sa Manila hinggil dito.

Saklaw ng claims ng China sa South China Sea ang West Philippine Sea, kasama ang Scarborough Shoal na tinarget puntahan ng Philippine civilian mission sa pangunguna ng Atin Ito coalition.

Matatagpuan ang Scarborough Shoal, kilala rin bilang Bajo de Masinloc at Panatag Shoal, 124 nautical miles sa kanluran ng Zambales at saklaw ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa isang panayam nitong Biyernes, tinawag ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na “illegal” ang direktiba ng China.

“These are things na masasabi na nating iligal na action na naman ng China. The mere fact that they claim full sovereignty over our own exclusive economic zone at ang jina-justify lang naman nila is yung imaginary nine-dash line nila,” wika ng opisyal.

“Itong mga mga attempt na panghuhuli ng mga mangingisda sa ating mismong EEZ can be considered as just mere harassment because based on international law and UNCLOS we have sovereign rights over these waters,” pahayag pa niya, tinutukoy ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea.

“China does have not those sovereign rights to justify the arrest na sinasabi nila sa ating mga mangingisdang Pilipino,” dagdag ng opisyal.

“Isa na naman uling pananakot ito ng Chinese government to discourage these types of activities ng civil society. Ang ginagawa nilang ‘yan para huwag na sigurong mag-take three si [Atin Ito Coalition co-convenor and Akbayan president Rafaela David] ng another Atin Ito convoy,” giit pa ni Tarriela. RNT/SA