MANILA, Philippines – Ipinanatili ng multilateral lender na World Bank ang economic growth projection para sa Pilipinas ngayong taon sa 5.8%.
Sa June 2024 edition ng Philippines Economic Update report, tinataya ng World Bank na ang ekonomiya ng bansa, sinusukat sa pamamagitan ng gross domestic product (GDP), ay lalago ng 5.8% ngayong 2024.
Kapareho ito sa growth projections sa East Asia and the Pacific Economic Update na inilabas noong Abril.
Para sa 2025 at 2026, sinabi ng World Bank na ang outlook nito ay 5.9% na paglago sa ekonomiya.
Ang growth projection ng World Bank para sa 2024 ay mas mabilis sa 5.5% na GDP growth na nakita noong 2023, at mas mababa sa revised target na 6% hanggang 7% economic growth ng pamahalaan.
Samantala, ang inflation sa bansa ay tinaya ng World Bank na mananatili sa 3.6% ngayong taon, mas mabagal mula sa 6% inflation rate na naitala noong 2023.
“To manage inflation, the continued implementation of non-monetary strategies is essential, including efforts to optimize supply and demand management and to secure timely and adequate imports of staple food items,” sinabi ni World Bank senior economist Ralph Van Doorn. RNT/JGC