MANILA, Philippines- Kumpiyansa ang namamahala ng state-owned Phividec Industrial Authority (PIA) na magagawa nitong i- accommodate ang plano ng national government na magtatag ng naval base sa loob ng 3,000-hectare industrial estate sa Misamis Oriental province.
Sinabi ni PIA administrator Donato Bernedo na may pag-uusap na sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Philippine Navy kaugnay sa pagtukoy ng angkop na alokasyon para sa pasilidad, kung saan magkakaroon ng “mixed military at civil defense uses.”
Ang Phividec estate, sumasaklaw sa kabuuan ng mga bayan ng Tagoloan at Villanueva ay isang economic zone na nakarehistro sa Philippine Economic Zone Authority.
Inilatag naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa publiko ang plano ng gobyerno noong nakaraang Nobyembre, sabay sabing ang base, kapag naitatag, ay magiging pinakamalaking naval facility sa Mindanao na magsisilbi bilang operational nerve center ng Philippine Navy sa rehiyon.
Magkakaroon ito ng dockyard para sa ship maintenance upang matiyak ang “fleet readiness” at magsisilbing host ng disaster response hub.
Winika ni Teodoro na target nilang tapusin ang pasilidad sa 2026 lalo pa’t ang pondo sa pamamagitan ng Office of the President (OP) ay nakahanda na.
Ang Phividec industrial estate ay nakahimlay sa 30 kilometro mula sa Lumbia air base sa Cagayan de Oro City, isa sa mga instalasyon na sakop ng Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng bansa at Estados Unidos.
Pinahihintulutan nito ang paparating na naval facility para mag-complement sa logistics function ng Lumbia airbase, kapwa para sa military at civil defense purposes.
Maliban sa pagho-host ng Philippine Air Force wing, ang Lumbia facility ay nakatakdang mag-host sa operations center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sinabi ni Bernedo, kabilang sa mga lugar na tinukoy para sa naval base ay ang 300-ha property na may 800 metro ng sea frontage na dati nang ginagamit bilang reserved para sa isang integrated steel milling venture na hindi naman natuloy.
Ang lugar ay mayroong deep-sea capability, ayon kay Bernedo, na naging kaakit-akit para sa naval base planners.
Subalit, nilinaw nito na habang sila ay masigasig na makatulong na tukuran ang defense capability ng bansa, hangad din nila na itugma ang pasilidad sa demand ng 200 existing business locators sa industrial estate.
Kamakailan lamang, nilagdaan ng PIA ang isang kasunduan para sa 25-year extension ng operasyon ng Mindanao International Container Terminal Services Inc. (MICTSI) ng Mindanao Container Terminal, main international trading platform ng rehiyon.
Kasama ang kontrata, ang MICTSI ay nakatakdang mag- invest ng $100 million para palawakin ang berthing capacity ng daungan para ma- accommodate ang mas malalaking mga vessel at maging ang itaas ang kapasidad ng terminal para pangasiwaan ang mas maraming cargo. Kris Jose