Home METRO EDSA-Kamuning flyover Southbound lane inihahanda na para sa pagsasara sa Mayo

EDSA-Kamuning flyover Southbound lane inihahanda na para sa pagsasara sa Mayo

MANILA, Philippines- Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) ang preliminary works nito sa EDSA-Kamuning flyover bilang paghahanda sa retrofitting nito na magsisimula sa May 1.

Sinabi ni DPWH-NCR director Engr. Loreta Malaluan na dalawa sa tatlong lanes ng flyover ang isasara sa mga motorista sa loob ng halos anim na buwan at tanging bus way lamang ang bubuksan habang gumugulong ang proyekto.

“Ang actual partial closure natin ay magsisimula sa May 1st. Ngayon ang isasara natin ay yung 2 lanes bale ang matitira lang ay yung portion ng bus carousel o bus lane. Mas maganda na yung mga buses lang ang padaanin, kasi alam mo naman yung iba nating drivers ‘pag may nakitang puwede pa nilang lusutan, magkakan-kanyang lusot yan that can cause more traffic and sakuna dun sa ating mga motorista,” pahayag ni Malaluan.

Naglaan ang pamahalaan ng P151 milyon para sa proyektong ito mula sa 2022 General Appropriations Act (GAA).

Ani Malaluan, ang aktuwal na kabuuang contract price ng proyekto ay P142.8 milyon lamang.

Paliwanag niya, ang retrofitting ay bahagi ng rekomendasyon ng Japan International Cooperation Agency (JICA) upang ihanda ang mga kritikal na istraktura sa Metropolis para sa malakas na lindol o “The Big One”.

“It would take us more or less 6 months pero sabi nga namin 24/7 we will require the contractor na magdagdag ng kanyang manpower para bumilis at mabuksan natin ‘to sa mas madaling oras,” pahayag ni Malaluan.

“Yung sinasabi nating 6 months ito yung sa redecking, yung pagtatanggal nung apektadong slab dun sa ibabaw ng flyover, yun yung 6 months. Actually ang major activities natin ay nasa ilalim nung tulay. Inaashan na po natin na magkakaroon ng konting pagbagal ng traffic dito sa may Kamuning flyover at dun sa vicinity. Sa ngayon, pagplanuhan na po natin yung ating travel along EDSA,” paliwanag pa ng opisyal.

Ani MMDA Strike Force OIC head Gabriel Go, nagsasagawa sila ng serye ng clearing operations sa mga alternatibong ruta para sa mga motorista kabilang ang Mabuhay lanes.

“Nag-umpisa na po kami sa pag-clearing operations nito…with the closure of the Kamuning flyover, magdadagdag po tayo ng additional manpower to ensure that the traffic management is managed properly and itong mga alternare routes natin definitely maglalagay po tayo ng mga enforcers natin,” wika ni Go.

Magde-deploy umano ang MMDA ng karagdagang traffic enforcers sa lugar upang pangasiwaan ang traffic situation sa tulong ng traffic personnel mula sa Quezon City LGU. RNT/SA