Home HOME BANNER STORY EDSA rehab ‘di aarangkada hangga’t walang solidong ‘rerouting plans’ – PBBM

EDSA rehab ‘di aarangkada hangga’t walang solidong ‘rerouting plans’ – PBBM

MANILA, Philippines- Tuluyan nang naudlot ang nakatakda sanang rehabilitasyon ng Epifanio de los Santos Avenue or EDSA, itinuturing na ‘busiest highway’ ng bansa na magsisimula sana sa Hunyo 13, 2025.

Nais kasi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon muna ng solidong rerouting plans at handang-handa na ang local government units (LGUs) sa bagay na ito.

Nauna rito, inanunsyo ni Pangulong Marcos ang one-month postponement ng EDSA rehabilitation. Sinabi ng Pangulo na masyadong matagal at malaking sakripisyo kasi ang two-year timetable at mauuwi lamang ito sa matinding traffic conditions.

“Ang sabi ko nga ay masyadong matagal naman ‘yung dalawang taon para maabala ang mga kababayan natin,” ang sinabi ng Pangulo sa isang vlog, araw ng Linggo.

“Hangga’t wala akong nakikitang solid na mga rerouting plans at masiguro na handang handa na ang mga LGU, ‘wag muna natin gawin, ayusin muna natin ang mga plano,” dagdag niya.

Kinumpirma naman ni Transportation Secretary Vivencio “Vince” Dizon na pinaiikli ng administrasyon ang timeline ng proyekto — mula dalawang taon, magiging anim na buwan na lang — sa badyet na P8.7 bilyon. Layunin ng pag-upgrade na gawing moderno ang 23.8-kilometrong kalsada at solusyunan ang talamak na pagbaha.

Apektado rin ng pagkaantala ang mga iminumungkahing solusyon sa trapiko, tulad ng 24-hour odd-even scheme at toll fee waiver sa Skyway Stage 3.

Matatandaang noong 2014, tinataya ng pag-aaral ng JICA at NEDA na P2.4 bilyon ang nawawala sa Metro Manila araw-araw dahil sa traffic — isang bilang na malamang ay tumaas na ngayon.

Sa kabilang dako, sa nasabi pa ring vlog, tinukoy ng Pangulo ang rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), pangungunahan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) sa ilalim ng public-private partnership.

“Bilang gateway ng ating bansa, itong mga airport natin kumbaga ang first and last experience nila sa ating bansa, kaya’t hindi sapat na magaganda ang tourist spot natin. Kailangan ganon din kaganda ang mga airport natin. Hindi lamang ang Manila airport dinedevelop natin pati ang mga regional airport,” ayon kay Pangulong Marcos. Kris Jose